2 umano’y intelligence staff ng NPA, arestado sa Butuan

Charmane Awitan, ABS-CBN News

Posted at Oct 12 2019 11:41 PM

BUTUAN CITY—Inaresto ng pulisya ang dalawang umano'y intelligence staff ng North Central Mindanao regional committee ng rebeldeng grupong New People's Army (NPA) sa Barangay Limaha sa lungsod na ito Huwebes.

Ayon sa pulisya, mag live-in partner sina Nori Torregosa at Melissa Comiso. 

Inaresto ang mga suspek sa pamamagitan ng isang search warrant on loose firearms.

“Merong mga intel report na meron silang mga baril. Naging positive naman ’yung pag-serve ng search warrant," ani Police Lt. Col. Christian Rafols, spokesperson ng Caraga Provincial Police.

Mariing itinanggi ng mga suspek ang alegasyon. Ayon sa babaeng suspek, housewife siya at magsasaka ang lalaki.

“Napaka-bigat doon, kasi nga hindi totoo ’yung itinanim lang doon. Unexpectedly, they found out na meron kami doon na hindi naman talaga sa amin ’yun. We are illegally arrested but we are not guilty,” ani Comiso.

Nakuha ang isang kalibre .45 na baril, mga bala, magazine, isang kalibre .38 na revolver, limang blasting cap assembly kasama na ang wire connector at switch, detonating cord, apat na laptop, limang cellphone, isang passport at mga dokumento.

Sinampahan na ng kasong paglabag sa Comprehensive Law on Firearms and Ammunition at pagdadala ng eksplosibo ang mga naaresto.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.