2 persons of interest sa pamamaril sa komentarista sa Tagum City tukoy na

ABS-CBN News

Posted at Oct 12 2019 06:36 PM

TAGUM CITY—Tukoy na ng mga awtoridad ang dalawang persons of interest sa pamamaril ng radio broadcaster sa Barangay Visayan noong Biyernes.

Nahagip ng CCTV ang pagkakakilanlan ng dalawang lalaki, na lulan ng motor nang pagbabarilin ang commentator na si Pat Lucero Pacquiao.

Nakita rin sa CCTV ang pagtakas ng mga salarin ng krimen.

Ayon kay Police Lt. Col. Ariel Acala, hepe ng Tagum City Police, tugma ang hitsura ng dalawang gunmen sa mga inilarawan ng mga nakasaksi umano sa pamamaril.

Sugatan si Pacquiao sa likod matapos madaplisan umano ng bala kaya malaki ang kaniyang pasasalamat sa ikalawang buhay.

Ayon kay Pacquiao, di niya inakala na tototohanin pala siya ng kanyang mga nakabangga sa komentaryo.

"Normal lang iyan sa akin, ang mga banta di ko na iyan pinakialaman, may nag-advise na sa akin na mag-bodyguard, di ko akalain na tototohanin nila ako," ani Pacquiao.

Patuloy ang isinagawang imbestigasyon ng mga pulis para makilala ang mga responsable base sa CCTV footage.

Hindi na muna binigay sa media ang kopya ng CCTV.

-- Ulat ni Claire Cornelio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.