'Utang ng PhilHealth sa mga ospital, baka lumobo sa universal health care'

ABS-CBN News

Posted at Oct 12 2018 04:42 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Maaaring lumobo pa ang utang ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa mga pribadong ospital sakaling maisabatas ang panukalang batas na maglalatag ng universal health care, ayon sa Private Hospitals Association of the Philippines (PHAP). 

"If the same people ang magha-handle ng PhilHealth funds -- ngayon lahat ng pondo iisahin na lang, sa Philhealth na lang -- baka po lalo tayong magkalokoloko, lalong di mabigyan ng magandang serbisyo ang tao lalo na 'yung mahihirap," ayon kay PHAP president, Dr. Rustico Jimenez.

Sa panayam sa DZMM Biyernes ng umaga, sinabi ni Jimenez na dapat munang pag-aralan nang mabuti ang panukala dahil marami pa aniya itong loopholes. 

"Up to the end sinasabi namin 'wag na munang ipasa, pag-aralan pa, sa next (sesyon ng Kongreso) na lang sana ma-approve," sabi niya. 

Ang kaso, ang nasabing panukalang batas ay na-certify as urgent na ni Pangulong Rodrigo Duterte. 

Nito lamang Miyerkoles ay naaprubahan na sa Senado ang Universal Health Care for All Filipinos Bill o Senate Bill 1896 na naglalayong mabigyan ng pantay na oportunidad ang lahat ng Pilipino pagdating sa health care access. 

Sa nasabing batas, papalawakin din ang coverage ng PhilHealth.

"Mangyayari po diyan, maraming mga ospital ang magsasara talaga eventually dahil hindi naman po lahat ng ospital mahaba ang pisi," sabi ni Jimenez.

Ayon sa kaniya, hindi pa umano nababayaran ang bilyong-bilyong utang ng PhilHealth sa mga pribadong ospital.

"'Yung utang ng 2017 hindi naman po nabayaran, 'yun po 'yung malaki. Hindi po totoong nagbabayad sila on time. Maari po sa isa o dalawang regions lang out of 17, the rest hindi po tama data nila. Billions pa rin po utang nila sa mga ospital," giit ni Jimenez.

Noong Mayo, nagpalabas ng pahayag ang PhilHealth at pinabulaanan ang alegasyong may utang itong bilyon-bilyon sa mga pribadong ospital.

Naniniwala si Jimenez na lalong magkakagulo at mahihirapan ang mga pasyenteng mahihirap kung maipasa ang panukalang batas.

"Kasi hindi naman po kaya ng government hospitals ang mga pasyente. Mas majority po ng nagha-handle ng mga pasyente natin ngayon, even sa mga mahihirap po, ay private," sabi niya.

Kahit pa aniya gustuhin ng government hospitals, kulang naman umano sila sa pasilidad. At kung mayroon mang mga pasilidad, wala namang taong puwedeng humawak sa mga ito.

"Hopefully po maging mabuti, pero sa tingin po namin hindi magiging successful," ani Jimenez.

Sa kabila nito, handa naman ang mga pribadong ospital na tumugon sa batas sakaling maipasa na ito.

"Susunod tayo sa batas. Kaya lang po, lalo na sa bandang huli, lalong hindi mapagbigyan ng serbisyo ang mahihirap,” sabi ni Jimenez.

 'Welcome development' 

Para kay health advocate Dr. Anthony Leachon, isa rin sa board of directors ng PhilHealth, "welcome development" ang pagkapasa ng batas sa Senado.

"The universal health care is a welcome development for the entire country. Siyempre, as nasa PhilHealth at as a physician, meron kang 
reservations as to execution at saka funding," sabi ni Leachon sa panayam sa DZMM Biyernes din ng umaga.

Para kay Leachon, isa sa pinakaimportante ay ang matiyak na may karampatang pondo para rito, at hindi ang pooling of resources ang nakikita niyang sagot.

"The most logical approach is to increase the sin taxes," sabi niya.

Paliwanag niya, may mga panukalang batas na para rito, kabilang na ang kina Sen. Manny Pacquiao na excise tax na P60 kada pakete ng sigarilyo, at Sen. JV Ejercito na P90 kada pakete. 

"Anong implication nito? Kunyari ang natatanggap ng PhilHealth is P60-B. Doon sa Manny Pacquiao bill na P60, madodoble 'yun ng P120-B. Pagka 'yung kay Senator JV, magiging P180-B and then mag-i-increase yun ng P7-B every year."

"Mas maganda 'yan. In the local lingo, 'matic na'," sabi niya.

Hiling niya na sana ay maklaro ito sa pagtatalakay ng batas sa bicameral level. 

"Ayaw lang natin na half-baked ang isang batas," dagdag niya. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.