Pulis sa 'drug matrix,' dinadawit din sa pangingikil

ABS-CBN News

Posted at Oct 12 2018 09:50 PM

Dati nang nasampahan ng kaso ang isang pulis na dawit sa umano ay drug matrix nang mapagbintangan na nangikil sa isang Chinese na arestado sa ilegal na droga, ayon sa isang miyembro ng National Police Commission (Napolcom). 

Ayon kay Atty. Neil Esponilla ng Napolcom Legal Affairs, dati nang kinasuhan si Police Superintendent Leonardo Suan, na noo'y nanguna sa Narcotics Branch ng NCR Intelligence and Investigation Division, ng pangingikil ng P960,000 sa Chinese na si Robert So noong 1993 kapalit ng kalayaan nito. 

Dawit din sa kaso sina SPO2 Jeffrey Inciong, SPO1 Danilo Solangon, SPO1 Roberto Sanoy, at SPO1 Dennis Rivaldo. 

"Hiningan siya muna ng 500,000 nitong is SPO2 Jeffrey (Inciong), nagpa-withdraw daw siya, binigay directly kay police. Then another transaction nanghihingi ulit ng P600,000 pero naibigay nila is konti na lang. Kaya total amount na lang is P960,000, 'yung kapalit nu'n is 'yung kalayaan niya. Kaso nagulat na lang siya, itinuloy 'yung kaso sa kanya," ani Esponilla. 

Dahil sa insidente, kinasuhan ng grave misconduct sina Suan at ang apat niyang kasamahan. 

Nasibak sa puwesto sina Inciong, Solangon, Sanoy, at Rivaldo, habang naabsuwelto si Suan dahil sa kakulangan ng ebidensiyang dawit siya sa nasabing kaso. 

"Kasi hindi naman tayo makapag-decide na walang direct link na siya 'yung nag-command sa miyembro niya na mag-extort ng money, so di 'yun na prove ni Chinese national," ani Esponilla. 

Inumpisahan na ng Philippine National Police ang kanilang internal na imbestigasyon habang inilagay na sa floating status sa ilalim ng PNP Holding and Accounting Unit ang mga pulis sa matrix. 

Tumangging magbigay ng komento si Suan at sinabing hindi niya alam ang kasong isinampa sa kanya sa NAPOLCOM. 

Matatandaan na noong Miyerkoles inilabas ni Duterte ang matrix kung saan pinangalanan ang pitong may kinalaman umano sa pagpuslit ng bilyong halaga ng ilegal na droga sa Bureau of Customs noong Agosto, kung saan dawit din si Suan.

-- Ulat ni Angel Movido, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.