Pamilya o politika? Ilang magkakadugo magbabakbakan sa halalan sa 2019

ABS-CBN News

Posted at Oct 12 2018 08:32 PM | Updated as of Oct 12 2018 10:42 PM

Watch more in iWant or TFC.tv


Hindi lang iba't ibang partido ang inaasahang magbabanggaan sa papalapit na halalan sa Mayo 2019, kundi pati magkakadugo na nakatakdang magtunggali sa pareho pang posisyon. 

JINGGOY VS JV

Halimbawa na lang ang magkapatid sa ama na sina Senador JV Ejercito at dating senador na si Jinggoy Estrada na parehong kakandidato para makapasok sa "magic 12" ng Senado. 
    
Pag-amin ni Ejercito, isa ang politika sa naging ugat ng mahigit isang dekada nilang samaan ng loob ng kapatid.

Plano ni Ejercito na kausapin sa Linggo ang amang si Manila Mayor at dating Pangulong Joseph "Erap" Estrada pero hindi ang kapatid na si Jinggoy

"Siguro kapag naresolba na, kapag nagkausap na kaming mag-ama [tsaka ko kakausapin si Jinggoy]. Unahin ko muna 'yun. Pero naging malalim na kasi ang hidwaan pero hopefully both of us will realize soon na di nakakabuti," ani Ejercito.

Pero si Erap, hindi ikinakaila ang sama ng loob sa nangyayari sa kaniyang dalawang anak.

"Iyan nga nakakalungkot, hindi nagkakaintindihan 'yung dalawang anak ko. Lahat ho ng tulong ginawa ko...Wala pong favoritism. Ewan ko kung bakit nagkaganu'n sila," hinaing ni Erap. 

ABBY VS JUNJUN

Watch more in iWant or TFC.tv

Nagbabadya naman ang isang away-magkapatid sa posisyon ng pagkaalkalde sa Makati City. 

Desidido kasing bumalik sa city hall ang dating mayor na si Junjun Binay at balak kalabanin ang kaniyang kapatid at incumbent na mayor na si Abby Binay. 

Inamin ni Junjun na noong kaarawan pa niya nitong Hulyo sila nag-usap ng kaniyang ate na si Abby. 
 
Ang Commission on Elections (Comelec) naman, pinag-aaralan na ang posibleng pagtakbo ni Junjun kahit pinagbabawalan na siya ng Ombudsman na umokupa muli ng puwesto sa gobyerno.

Paliwanag ni Comelec spokesperson James Jimenez, hanggang wala pang pinal na hatol ang korte ay hindi maituturing na "disqualified" ang kandidato. 
    
"If there's a final decision, a final conviction against him, then that will bar you. If there's an appeal pending, then it won't fit the criteria for disqualification," ani Jimenez.

(Kung may pinal na hatol ang korte, pagbabawalan ang taong tumakbo. Pero kung may apela pang nakabinbin, hindi siya maituturing na disqualified.) 

Ayon pa sa Comelec, bahagi ng kanilang ministerial duty na tanggapin ang aplikasyon ng lahat ng mga kandidato na nakakumpleto ng requirements.

Kumpiyansa naman si Junjun na malulusutan niya ang isyung legal na ibinabato sa kaniya. 

"Malakas po ang depensa namin diyan, kaya naniniwala ako na wala namang naging basehan 'yung mga kasong yan," aniya.

Ngayong weekend, inaasahang darating mula sa pilgrimage trip sina dating Vice President Jejomar Binay at asawang si Elenita para pag-usapan ang posibleng tunggalian ng magkapatid.

'SIGAW NG MGA BOTANTE'

Sabi ng political scientist at chairperson ng UP political science department na si Dr. Maria Ela Atienza, matagal nang nagiging away sa pamilya ang politika.

Ang ganitong mga eksena ay puwede raw tingnan sa dalawang lente: bilang parte ng demokrasya o kaya ay ang kagustuhang kumontrol ng isang puwesto o teritoryo. 

Pero ani Atienza, mas marami sa mga botante ngayon ay hindi na pangalan lang ang tinitingnan sa kandidato.

"[Tinatanong nila] ano ba 'yung serbisyo na puwedeng ibigay? Ano ba 'yung plataporma nila. May alternatibo ba silang maibibigay sa atin? Importante rin na nakikilala sila sa mga issues. Ano ang mga pinaglalaban nilang mga issue. Importante na independent sila," paliwanag ng political scientist.

Ayon sa Comelec, tinatayang may 18,094 posisyon ang dapat punan sa halalan sa 2019. 

Hanggang sa Oktubre 17 pa ang filing ng certificate of candidacy at inaantabayanan ang iba pang magkakamag-anak na maglalaban sa parehong posisyon.
    
—Ulat nina Sherrie Ann Torres at Johnson Manabat, ABS-CBN News


 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.