P200,000 halaga ng marijuana, nasamsam sa Quezon

Paulo Ferrer, ABS-CBN News

Posted at Oct 12 2018 04:40 PM

LUCENA CITY - Nakumpiska ng National Bureau of Investigation (NBI) ang ilang tanim na marijuana mula sa isang hinihinalang tulak sa lungsod na ito Biyernes.

Isinagawa ang raid sa Barangay Gulang-gulang, kung saan tumambad sa kanila ang halos 7 talampakang tanim na marijuana.

Kinumpirma ng subject ng operasyon na si Arvin Desamero na siya ang nagtanim ng nasabing halaman. Ipinakita rin niya ang ilan pang tanim na marijuanang inaalagaan niya sa loob ng kanilang bahay.

Depensa ng suspek, hindi siya nagbebenta ng marijuana. Inilalaga lamang umano niya ito at ginagamit na gamot.

Ayon sa NBI, agad nilang isinagawa ang operasyon matapos makatanggap ng impormasyon tungkol dito.

Dagdag pa nila, ibinebenta umano ni Desamero ang tanim na marijuana sa mga estudyante sa lugar.

Nabigla naman ang kapitan ng barangay na nakatira malapit sa lugar. Aniya, wala namang rekord sa barangay si Desamero.

Patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng NBI sa insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.