NPA, inaming nasa likod ng pamamaril sa dating alkalde sa Samar

ABS-CBN News

Posted at Oct 12 2018 07:49 AM

Inamin ng Arnulfo Ortiz Command ng New People's Army (NPA) na sila ang nasa likod ng pamamaril ng dating alkalde ng San Jose de Buan sa Samar.

Base sa sulat ng grupo, ang pamamaril noong Oktubre 8 ay magsilbing babala kay Ananias Rebato na nasugatan sa insidente.

Patay naman ang close-in security ni Rebato na kinilalang si Severino Tesoro.

Alegasyon ng Arnulfo Ortiz Command na sangkot umano ang dating alkalde sa katiwalian, pang-aabuso sa mga kababaihan, at mayroong hinahawakang armadong grupo.

Kinondena rin nila ang pagkahuli ng isang lalaki na siyang itinuring na suspek sa pamamaril. Ayon sa grupo, sibilyan na dumalo lamang sa kapistahan ang hinuli.

Pinabulaanan naman ng tagapagsalita ng 8th Infantry Division ng Philippine Army ang mga paratang laban kay Rebato.

Ayon kay Capt. Francis Agno, walang hinahawakang armadong grupo si Rebato at hindi rin umano ito miyembro ng Intelligence Service ng Armed Forces of the Philippines.

"Wala silang choice kundi aminin na sila ang may gawa kasi nakilala ng ilang residente ang namatay na gunman ay miyembro ng NPA," aniya.

Ayon naman kay Senior Supt. Nicolas Torre III, direktor ng Samar Police Provincial Office, dapat suriin kung totoong may grupo ang NPA.

"Malaki ang problema nila. Huli ang tao nila. Hawak namin ngayon. Malalaman natin kung totoong existing ang Ortiz Command o baka kuwento lang," aniya.

Tumanggi munang magbigay ng reaksiyon ang pamilya ni Rebato habang patuloy pang nagpapagaling sa ospital ang dating alkalde. - ulat ni Ranulfo Docdocan, ABS-CBN News