Lani Mercado, naghain ng kandidatura sa pagka-alkalde ng Bacoor

Dennis Datu, ABS-CBN News

Posted at Oct 12 2018 10:35 AM

Naghain ng kandidatura sa pagka-alkalde si Bacoor City Mayor Lani Mercado nitong Biyernes, Oct. 12, 2018. Dennis Datu, ABS-CBN News

BACOOR CITY- Naghain si Mayor Lani Mercado ng kandidatura para sa kanyang ikalawang termino sa lungsod na ito nitong Biyernes.

Ani Mercado, buo pa rin ang suporta sa kaniya ng angkan ng kaniyang asawa na si dating Senador Bong Revilla bagama't nakakulong pa rin ang mambabatas sa Camp Crame.

"Lahat po ng nagbabalak na gibain ang aming pamilya, ngayon pa lang sinasabi ko sa inyo hindi kayo magsa-succeed," ani Mercado.

"Hindi kailanman matutupad ang mga pangarap niyo. Hindi kayo magwawagi. Kaming lahat sa aming pamilya ay nagkakaisa," dagdag pa niya.

Binitawan ni Mercado ang mga pahayag sa kabila ng mga ugong-ugong na kakalabanin siya ng kaniyang bayaw na si Cavite 2nd District Rep. Strike Revilla na dating alkalde rin ng Bacoor.

Ito ang ikalawang beses na naghain ng kandidatura sa pagka-alkalde si Mercado na wala ang kaniyang asawa sa kaniyang tabi.

Inaasahanna maghahain na rin ng kandidatura sa pagka-senador si Bong Revilla sa ilalim ng partido Lakas-Christian Muslim Democrats.

Samantala, sa Lunes naman maghahain ng kandidatura sa pagka-bise gobernador ng Cavite ang kanilang anak na si Jolo Revilla.