Koko Pimentel, iginiit na legal ang muling pagtakbo bilang senador

ABS-CBN News

Posted at Oct 12 2018 10:38 AM | Updated as of Oct 12 2018 12:03 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Iginiit ni Senador Koko Pimentel nitong Biyernes na legal ang kaniyang pagtakbo sa 2019 dahil may ilang taong ang nawala sa kaniyang unang termino.

"Sa usaping term limit, wala pa po akong 2 term kasi 'di counted yung una," paliwanag ni Pimentel sa panayam sa DZMM, isang araw matapos siya maghain ng certificate of candidacy.

Ayon kay Pimentel, nakasaad sa Konstitusyon na ang termino ng isang senador ay 6 na taon. 

"1 year and 10 months yung aking tinatawag na first term. Klarong-klaro sa amin na hindi po yun matatawag na term kasi sabi ng Constitution, 6 years," paliwanag niya.

Dagdag pa niya na hindi niya kasalanan na nawalan siya ng higit sa 4 na taon dahil ipinaglaban pa niya ang kaniyang election protest noon laban kay Senador Juan Miguel Zubiri.

"Ang aking alegasyon ako'y dinaya, hindi ako prinoclaim ng Comelec [Commission on Elections]. So Comelec pa nga yung kinakalaban ko nung panahon na 'yun," ani Pimentel.

Agosto taong 2011 lamang nang maiproklama si Pimentel bilang pang-12 na nagwaging senador sa 2007 elections matapos na maipanalo ang kaniyang election protest.

Nagbitiw naman sa pwesto si Zubiri bago pa maglabas ng ruling ang korte hinggil sa kaso. 

Sa kabila nito, handa naman aniya ang kanilang kampo sakaling may kumuwestiyon.

Huwebes nang maghain ng kaniyang certificate of candidacy si Pimentel sa Comelec. Inagahan umano niya ang paghahain para mas matutukan ang kaniyang kasal sa susunod na linggo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.