Higit 50 palaboy, nasagip sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Oct 12 2018 06:03 AM

MAYNILA - Sinagip ng Manila Department of Social Welfare (MDSW) and mahigit 50 palaboy Huwebes ng gabi.

Ikinasa ang operasyon para malinis ang mga kalsada ng mga taong lansangan at para maiwas ang mga kabataan sa kapahamakan.

Nasa 44 menor de edad, 2 senior citizen, at 10 nasa wastong gulang ang nasagip ng MDSW.

Ang ilan sa mga kabataan, nahuling gumagamit ng solvent.

Ayon sa MDSW, wala na dapat na bata sa kalsada mula alas-10 ng gabi hanggang alas-4 ng madaling-araw.

"Dapat 'yung mga bata na nacu'curfew, nasasagip ng bawat barangay, dapat ihatid sa kanilang lugar kung saan sila nakatira," ani Lindsay Javier ng MDSW.

Dinala sa barangay ang mga nasa tamang edad kung saan pinagsabihan sila ng kapitan.

Ipapatawag naman ang mga magulang ng mga menor de edad at dadalhin sila sa mga shelter kung walang susundo.

"Sila ay mga kabataan pa rin. 'Yung karapatan bilang bata ay dapat pa ring tingnan. Hindi dapat tingnan kung ano ginawang kasalanan bagkus dapat bakit nila nagawa 'yun sa mga pagkakataong 'yun," dagdag ni Javier. - ulat ni Jervis Manahan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.