Dating konsehal sa Isabela, patay sa pananambang

Harris Julio, ABS-CBN News

Posted at Oct 12 2018 09:30 PM

CORDON, Isabela—Patay sa pananambang ang isang dating konsehal sa bayang ito Biyernes ng hapon.

Kinilala ang biktima na si Jose Bugbog, residente ng Barangay Wigan.

Ayon kay Chief Inspector Christopher Danao, galing sa meeting sa Barangay Tanggal si Bugbog at maghahatid lamang sana ng mga kasamahan pero habang binabaybay ang kalsada sa bahagi ng Barangay Turod Norte ay pinagbabaril ang sasakyan ng biktima.

Mabilis na nakatakas ang salarin na umano'y sakay rin sa isang four-wheeled vehicle.

Naisugod pa sa ospital si Bugbog pero hindi na ito umabot nang buhay.

Nakaligtas naman ang tatlong kasama niya sa sasakyan.

Matagal nang namahinga sa politika si Bugbog nang matapos ang kaniyang termino bilang konsehal. Plano sana nitong bumalik sa politika at maghain ng kaniyang kandidatura para sa eleksyon sa susunod na taon.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.