Bilang ng mga nagugutom sa bansa, dumami: SWS

ABS-CBN News

Posted at Oct 12 2018 09:40 PM | Updated as of Oct 13 2018 09:57 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Umakyat ang bilang ng mga pamilyang nagugutom sa bansa, ayon sa resulta ng survey na isinagawa ng Social Weather Stations (SWS) nitong Setyembre. 

Sa resulta ng survey na inilabas nitong Biyernes, lumabas na nasa 3.1 milyong pamilya o 13.3 porsiyento ng kabuuang populasyon ng bansa ang nakaranas ng gutom sa nakalipas na tatlong buwan. 

Mas mataas ito ng 3.9 puntos mula noong Hulyo kung saan 2.5 milyong pamilya o 9.4 porsiyento ang nagsabi na nakaranas sila ng gutom. 

Ito na rin ang pinakamataas na bilang ng mga nagugutom simula noong Disyembre 2017, kung saan 15.9 porsiyento ang naitala. 

Lumabas rin sa survey na 10.6 porisyento ng mga Pinoy ang nakakaranas ng katamtamang gutom o mga nakaranas ng gutom sa nakalipas na tatlong buwan, na mas mataas ng 2.5 puntos kumpara sa 8.1 porsiyento na naitala nitong Hulyo. 

Mula naman sa 1.3 porsiyento, higit doble ang itinaas ng bilang ng mga nakaranas ng severe hunger, o ang madalas makaranas ng gutom dahil walang makain, sa 2.8 porsiyento. 

Pinakamaraming nakaranas ng gutom sa Mindanao, na mayroong 18.3 porsiyento quarterly hunger habang 17.3 porsiyento naman dito ay galing sa Metro Manila at 12.7 ay galing sa Balance Luzon. 

Sa mga lugar lang ng Visayas nakapagtala ng pagbaba ng bilang ng mga nakaranas ng gutom, kung saan naging 6 porsiyento mula 9.3 porsiyento ang mga bilang nito. 

Isinagawa ang survey mula Setyembre 15 hanggang 23 kung saan naranasan ang taas-presyo ng mga bilihin sa bansa. 

-- Ulat ni Ron Lopez, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.