11 katao, arestado sa magkahiwalay na buy-bust sa QC

Isay Reyes, ABS-CBN News

Posted at Oct 12 2018 08:05 AM

MAYNILA – Umabot sa 11 katao ang naaresto sa isinagawang magkahiwalay na buy-bust operation sa Barangay Old Balara at Payatas sa Quezon City, Huwebes ng gabi.

Unang tinungo ng tauhan ng Quezon City Police District Station 6 ang Zuzuarregui Street sa Barangay Old Balara, pasado alas-10 ng gabi kung saan natunton nila ang target na umano’y Top 6 sa most wanted sa street level pushing ng droga base sa listahan ng pulisya. Kasama din niyang nahuli ang itinuturing namang Top 9 sa listahan.

Dati nang nakulong ang dalawa na kapwa miyembro din ng gangs.

Pero itinanggi nilang nagtutulak sila ng droga.

Pitong iba pa ang nakasama sa nahuli ng awtoridad.

Ayon sa pulisya, malikot kumilos ang dalawang wanted at tumatawid pa ng ibang barangay. 

Dalawang babaeng nagtutulak din ng droga ang naaresto ng awtoridad sa Barangay Payatas.

Mahigit P10,000 halaga ng hinihinalang shabu ang nakuha sa lahat ng nahuli.