PNP Drug Enforcement Group sasabak pa rin sa intel gathering

ABS-CBN News

Posted at Oct 12 2017 12:41 PM

Patuloy na magtatrabaho ang Philippine National Police Drug Enforcement Group sa kabila ng utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na Philippine Drug Enforcement Agency na ang mamumuno sa giyera kontra droga.

Bagamat tuloy ang trabaho ng unit na ito, magiging limitado na lamang sa intelligence-gathering laban sa iligal na droga ang kanilang tungkulin, ayon kay PNP spokesman Chief Superintendent Dionardo Carlos.

Kanila namang ipapasa ang anumang impormasyong kanilang makakalap sa PDEA, ayon kay Carlos.

Handa pa rin naman umanong tumulong ang kapulisan sa war on drugs kahit inalis na sa kanila ang atas na mamuno rito, lalo pa't nauna nang sinabi ni PDEA Secretary General Aaron Aquino na halos 2,000 lamang ang kanilang tauhan sa buong bansa.

Magfo-focus muna ang puwersang kapulisan sa anti-criminality campaign lalo na sa kaso ng mga riding-in-tandem, ayon kay PNP Director General Ronald Dela Rosa.

Sa ngayon, aniya, tigil ang lahat ng anti illegal drugs operations na pinangungunahan ng PNP sa buong bansa at pati na rin programang kaakibat nito tulad ng Oplan Tokhang, Oplan Double Barrel Reloaded at ang paglalagay ng mga black box o information box sa buong bansa.

- kasama ang mga ulat nina Henry Atuelan at Noel Alamar, ABS-CBN News