PNP, balak tutukan ang mga riding-in-tandem

ABS-CBN News

Posted at Oct 12 2017 01:47 PM

Matapos alisin sa kanila ang responsibilidad sa “war on drugs” ng pamahalaan, sinabi ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Ronald dela Rosa na balak ng kapulisan na tutukan ang mga tinaguring “riding-in-tandem.”

"Humanda kayo [at] ibubuhos namin lahat ng galit namin sa inyong mga riding-in-tandem. Tignan natin kung ‘di sila maubos," pahayag ni Dela Rosa.

Pero pag-amin ng PNP, wala pa umano silang eksaktong bilang ng mga nabiktima ng riding-in-tandem.

Samantala, may ilang bayan na rin ang nagsagawa ng mga aksyon nila bilang tugon sa pagsugpo sa riding-in-tandem.

Isa sa mga ito ang Dasmariñas, Cavite na bumuo ng “no helmet” policy matapos ang ilang insidente ng barilan sa kanilang lungsod.

Nailipat na ang pamumuno sa mga anti-illegal drug operations ng bansa sa Philippine Drug Enforcement Agency. --Ulat ni Albert Lumbera, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.