Mga puwesto sa 'hepa lane' ng u-belt binuwag na

Dennis Datu, ABS-CBN News

Posted at Oct 12 2017 03:21 PM | Updated as of Oct 12 2017 04:07 PM

MAYNILA - Binuwag na ng mga awtoridad ang may 200 mga tindahan ng pagkain sa tinaguriang "hepa lane" sa University Belt sa Maynila ngayong Huwebes.

Ikinasa ang clearing operations sa hilera ng mga tindahan sa R.Papa at Morayta matapos bumagsak sa Sanitation Code of the Philippines ang mga ito. 

Ayon sa Manila Health Department, binansagang "hepa lane" ang mga nasabing kainan dahil may mga estudyanteng nagreklamo matapos magka-hepatitis.

Umalma naman ang mga may-ari ng puwesto dahil wala na silang kabuhayan. Nakiusap silang payagan muling magtinda sabay pangako na lilinisin ang kanilang mga puwesto.

Samantala, may ilang mga estudyante naman sa University Belt area ang nalungkot dahil wala na silang murang makakainan.