Kotseng sakay ang pamilyang balikbayan, sumalpok sa trak; 1 patay

ABS-CBN News

Posted at Oct 12 2017 04:00 PM

Isa ang patay habang anim ang sugatan matapos sumalpok sa isang trak ang kotseng sinasakyan ng isang pamilyang balikbayan sa Abucay, Bataan.

Kababalik lamang ng pamilya mula Singapore at sinundo sa Ninoy Aquino International Airport nang mangyari ang trahediya sa kahabaan ng Roman Highway sa Capitangan, Abucay.

Bumangga sa likurang bahagi ng trak ang kotseng sinasakyan ng mga balikbayan.

Kinilala ang nasawi na si Resty Diaz, residente ng Pto. Rivas Itaas sa Balanga.

Kritikal ang kalagayan ng nagmamanehong si Andy Margallo pati na rin ang isang Formana Diaz.

Dalawa pang pasahero ang nasa kritikal na kalagayan.

Sugatan din si Maria Theresa Punzalan at tatlo pang menor de edad.

-- Ulat ni Rod Izon, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.