Kasapi umano ng Abu Sayyaf, tiklo

Madonna Timbal-Senajon, ABS-CBN News

Posted at Oct 12 2017 04:30 PM

DAVAO CITY – Isa umanong kasapi ng Abu Sayyaf group ang naaresto sa ginawang entrapment operation ng Digos Police, Martes ng umaga.

Nakilala ang suspek na si Nurjilam Illah Isa, 24-anyos, sa National Highway ng Barangay Aplaya.
 
Narekober mula sa kanya ang isang .45 kalibreng pistola, isang magazine, mga bala, improvised explosive device components, 60mm mortar at isang motorsiklo.

Ayon kay Senior Superintendent Samuel Gadingan ng Davao del Sur Police Provincial Office, miyembro ng Lucky 9 Kidnap for Ransom group ng Abu Sayyaf si Nurjilam.

"Involved siya sa kidnapping ng Australian national na si Warren Rodwelt, bombing sa Sulu cooperative, beheading sa 7 construction workers sa Patikul, Sulu," sabi ni Gadingan.

Responsable din umano si Nurjilam sa pambobomba sa Zamboanga City Bus Terminal noong 2015.

Ayon sa imbestigasyon, gumagawa ng mga bomba at improvised explosive device si Nurjilam matapos mag-aral ng dalawang taon sa Malaysia noong 2009.

Dati ng wanted sa Region 9 sa Zamboanga del Sur si Nurjilam na tubong Jolo, Sulu.

Hawak ngayon ng Digos Police ang mga larawan nito kasama ang mga Abu Sayyaf at bitbit ang high-powered firearms.

Itinanggi naman ni Nurjilam ang lahat ng paratang laban sa kanya. Hindi umano siya sakop ng teroristang grupong Abu Sayyaf.

Pero kinumpirma niyang nag-aral siya ng dalawang taon sa Malaysia pero hindi para gumawa ng bomba kundi mag-aral ng Koran sa Madrasah.

Mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 o Illegal Possession of Firearms at RA 9156 o Illegal Possession of Explosives si Nurjilam.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.