Ilang tindera, kusang binaklas ang kanilang tiangge pagdating ng MMDA

ABS-CBN News

Posted at Oct 12 2017 11:55 AM

Kusang pinagbababklas ng mga tindero ang kanilang mga tiangge sa kalsada sa ilalim ng LRT sa bahagi ng Taft Avenue sa Pasay.

Kasabay ito ng ikinasang clearing operations ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) nitong Huwebes ng umaga.

Walang naging puwersahang pagpapaalis sa mga nagtitinda dahil ipinaalam na sa kanila noong Miyerkoles na magkakaroon operasyon.

Nang dumating ang pangkat ng mga enforcer, sa pangunguna ni MMDA Chairman Danilo Lim, nagsipag-alisan ang mga tianggeng umabot na sa kalsada.

Pero naiwan pa rin ang ilang tindahang nasa sidewalk at traffic island.

Nagbabakasakali kasi ang mga may-ari nito na papayagan sila manatali subalit pinaalis pa rin sila.

Nakiusap ang ilang nagtitinda kay Lim na bigyan sila ng palugit ngunit itinuloy pa rin ng mga enforcer ang pagbabaklas.

Pumabor naman ang ilang nagtitinda na may puwesto sa mga gusali sa Taft sa pagpapaalis sa mga stall dahil sa dulot nitong linis.

Nang matanggal na ang lahat ng stall, pininturahan ng linya ang mga sidewalk upang magsilbing hangganan ng mga tindahan at para may malakaran ang mga tao.

Iginiit ni Lim na pananagutan ng lokal na pamahalaan sakaling may tianggeng lumagpas sa hangganan.

"Gagamitin na natin 'yon para bigyan ng ngipin, 'yong leksyon 'yong mga 'di nakikipag-cooperate na 'yan," ani Lim.

Tatanggap ng parusa mula sa Department of the Interior and Local Government ang lokal na opisyal na hindi tutulong sa pagpapanatili ng ayos sa lugar.

Natagalan sa pagkasa ng operasyon dahil kinailangan pa ng MMDA na makipag-ugnayan sa ilang barangay at sa lokal na pamahalaan ng Pasay.

Sunod umanong lilinis ng MMDA ang bahagi ng Taft sa Parañaque sa susunod na linggo matapos makipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan.

-- Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.