5 sugatan sa banggaan ng jeep at taxi

Berchan Louie Angchay, ABS-CBN News

Posted at Oct 12 2017 11:14 AM

Limang katao ang nasugatan matapos na magsalpukan ang isang jeep at taxi, Huwebes ng madaling araw sa Davao City.

Pinagtulungang patayuin ng mga tao ang nakatumbang jeep sa kalsada matapos bumangga sa isang taxi sa kanto San Pedro at Legazpi Street, pasado alas-2 ng madaling araw.

Ayon sa jeepney driver, hindi niya namalayan na tumawid ang taxi kaya ito nabangga.

Nagtamo ng kaunting sira ang taxi sa kanang pinto habang kaunting sira naman sa harapan ng jeep.

Mananagot naman ang dalawang driver sa kasong reckless imprudence resulting to physical injuries at damage to property.

Agad namang isinugod sa ospital ang limang pasahero na nagtamo ng minor injuries.

Nag-abiso naman ang awtoridad sa mga motorista na ugaliing mag-menor kapag dumaraan sa intersection upang maka-iwas sa aksidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.