Arestado ang isa umanong notoryus na tirador ng mga bisikleta sa Tondo, Maynila. Jekki Pascual, ABS-CBN News
Naaresto ng mga awtoridad gabi ng Linggo ang isang lalaking dawit umano sa nakawan ng mga bisikleta sa Tondo, Maynila.
Nakuhanan pa ng mga CCTV ng Barangay 209 ang ilang beses na pagtangay ng 28-anyos na suspek sa ilang bisikleta sa lugar.
Napuno na umano ang mga tauhan ng barangay sa sunod-sunod na nakawan ng bike, kaya agad hinuli ang suspek matapos magsumbong ang isang bagong biktima.
"Nakita siya sa CCTV ng barangay tanod, tapos pinahuli," sabi ng barangay ex-o na si Jonjon Macaspac.
Ayon sa barangay, ibinebenta ng suspek ang bike para magkapera dahil mabenta ang bisikleta ngayon.
Nakuhanan din ng CCTV ng Barangay 159 ang suspek na may sinasakyang bisikleta na hindi rin umano kaniya.
Ayon kay Maj. Hans Jose ng Manila Police District, may record na ang suspek sa pulisya.
"Ni-review natin 'yong records ng Police Station 7. We found out mayroon po siyang offense charge dati, same case na theft," ani Jose.
Hindi bababa sa 6 na complainant ang dumulog sa barangay at police station para ireklamo ang suspek, na nahaharap sa kasong theft.
FROM THE ARCHIVES
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.