PatrolPH

Lampas 100 itlog ng pawikan, natagpuan ng 'paw patrol' sa La Union

ABS-CBN News

Posted at Oct 11 2021 05:53 PM

Larawan mula kay Carlos Tamayo.
Larawan mula kay Carlos Tamayo.

Natagpuan ang lampas 100 itlog ng pawikan sa pampang ng San Juan, La Union bandang 2:00 ng madaling araw nitong Oktubre 3.

Sa mga larawang ibinahagi ni Bayan Patroller Carlos Tamayo, makikita ang isang 55 anyos na lalaki at mga alagang aso nito ang nakahanap sa mga itlog. 

Ayon sa direktor ng non-government organization na Coastal Underwater Resource Management Action o Project CURMA, isang volunteer ng kanilang grupo si Johnny Manglugay at katulong niya sa pagpapatrol sa dalampasigan ang mga asong sina Bantay, Bulak, Totoy at Totay.

 

Anila, hindi ito ang unang beses na nakahanap ang kanilang grupo ng mga itlog ng pawikan kaya naman labis ang kanilang pasasalamat sa dedikasyon ni Tatay Johnny at ng mga alagang aso na tinaguriang "Paw Patrol."

“117 eggs yung nest na nahanap nila ... kaya ang estimate date ng hatching namin nitong nest na nahanap nila is around November 30th,” ani Tamayo. 

Sa panayam ng Bayan Mo, i-Patrol Mo kay Tatay Johnny, ibinahagi niya na sa umaga ay nagtatrabaho siya bilang construction worker at magsasaka.

Tuwing gabi, bandang 10:00 ng gabi hanggang 3:00 ng madaling araw sila naglilibot ng kanyang "Paw Patrol" para maghanap ng itlog ng pawikan.

Dagdag pa niya, matagal na siyang volunteer at sanay na siya sa proseso tuwing makakita ng itlog ng pawikan.

“Alam ko na kasi nati-timingan ko pa na 'yung pawikan na umaakyat. Lumalayo ako kapag umaakyat na sila kasama mga aso ko para 'di matakot, aniya.”

Sa tuwing nakakahanap ng mga itlog, ibinibigay ito ni Tatay Johnny sa Project CURMA para mabantayan at maalagaan.

Layunin niya na mabantayan ang mga itlog ng pawikan at masigurong magiging ligtas ang mga ito sa kapahamakan.

“Gusto rin tumulong para dumami 'yung mga pawikan kasi baka may makakita hindi sinu-surrender baka ulamin.”

—Ulat ni Cielo Gonzales, Bayan Mo, i-Patrol Mo

KAUGNAY NA ULAT:

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.