PatrolPH

Mga bahay binaha, hinampas ng alon dahil sa bagyong Maring

ABS-CBN News

Posted at Oct 11 2021 05:32 PM

MANILA – Binaha at hinampas ng alon ang mga bahay sa iba’t ibang lalawigang apektado ng bagyong Maring.

Sa bayan ng Pamplona sa Cagayan, binaha ang ilang bahay sa Barangay Nagtupacan matapos umapaw ang katabing ilog.

baha

Agad naman inilikas ng mga opisyal ng barangay at rescue team ng lokal na pamahalaan ang mga apektadong residente. 

Isinailalim sa Tropical Cyclone Warning Signal no. 2 ang Cagayan dahil sa pananalasa ng bagyong Maring.

Isang lalaki ang patay sa Claveria, Cagayan matapos tangayin ng malakas na alon nitong Lunes ng umaga.

Ayon sa isang opisyal, gwardiya sa seaport ang biktima na nagpapatrolya nang humampas ang malakas alon mula sa dagat habang sila ay nasa dulong bahagi ng pantalan.

Nahulog ang biktima habang nakaligtas ang kasama niya matapos na bumangga sa railings.

Natagpuan ang biktima halos 200 metro ang layo sa pantalan matapos magsagawa ng search-and-rescue operations ang mga awtoridad.

Naidala pa siya sa ospital, pero idineklarang dead on arrival ng umasikasong doktor.

Courtesy of MDRRMO Claveria
Courtesy of MDRRMO Claveria

Isang tsuper ang sugatan matapos mabagsakan ng puno ang minamanehong tricycle sa Barangay Pinas sa nasabing lalawigan.

Courtesy of MDRRMO Claveria
Courtesy of MDRRMO Claveria

Sa lalawigan naman ng Northern Samar, ilang bahay ang nasira sa Barangay Baybay, Catarman nitong Linggo matapos hampasin ng malalaking alon ng dagat dahil sa pananalasa ng bagyo Maring.

Ayon sa inisyal na ulat mula sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, nasa apat na bahay ang nasira.

Pinayuhan ang mga pamilyang nakatira dito na lumikas para sa kanilang kaligtasan.

Catarman MDRRMO
Catarman MDRRMO

--ulat nina Harris Julio at Ranulfo Docdocan

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.