Inanunsiyo ngayong Lunes ng Department of Health (DOH) ang pagsisimula ng pagbabakuna kontra COVID-19 ng mga nasa general adult population.
"Ayon sa vaccine cluster, mayroon nang sapat na supply ng bakuna para makapagsimula ng pagbabakuna sa lahat ng adult population," ani Health Spokesperson Maria Rosario Vergeire.
Kabilang sa general population ang mga taong hindi nakasama sa mga naunang priority group sa vaccine rollout.
Sa kabila nito, patuloy na nananawagan ang DOH na bigyang prayoridad sa pagbabakuna ang mga senior citizen at mga taong may comorbidity o sakit dahil sila ang "mas vulnerable sa malalang sintomas ng COVID-19," ani Vergeire.
Nakaumang na rin ang pagbabakuna sa mga may edad 12 hanggang 17 na may comorbidity.
"Nakapagsabi ang vaccine cluster, they will start on October 15. Hinahanda na ang lahat ng ospital na kasama dito," ani Vergeire.
Sa ngayon, nasa 23.1 milyong indibidwal na sa bansa ang itinuturing na fully vaccinated laban sa COVID-19.
Ngayong Lunes, nakapagtala ang DOH ng 8,292 dagdag na kaso ng COVID-19 para sa kabuuang 2,674,814 kaso, kung saan 98,894 ang active cases.
Ito ang pinakamababang bilang mula Agosto 5 nitong taon.
Patuloy naman umanong binabantayan ng DOH ang Cagayan Valley Region, Cordillera Administrative Region at Zamboanga Peninsula dahil sila ang "high risk" pagdating sa mga kaso ng COVID-19 at kapasidad ng health care system.
— Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.