Taxi nagliyab sa Quezon City; trapiko bumigat

ABS-CBN News

Posted at Oct 11 2020 12:33 PM

Nagliyab ang isang taxi sa may kahabaan ng Katipunan Avenue, Quezon City gabi ng Sabado, na nagdulot din ng pagbigat ng daloy ng trapiko.

Ayon sa taxi driver na si Glenn Piano, binabagtas niya ang Katipunan Avenue pasado alas-7 ng gabi nang mamatay ang kaniyang radyo at mapansin niyang may usok sa harapang bahagi ng sasakyan.

Nag-panic umano ang pasahero ni Piano kaya itinabi ang sasakyan sa gilid ng kalsada sa may tapat ng Miriam College at sinuri ang pinagmulan ng usok.

Nang subukan ni Piano na buksan ang hood ng taxi, ayaw umano nitong bumukas at bigla na lang nagliyab ang makina. Agad namang nakalayo ang driver at pasahero.

Makalipas ang ilang minuto'y dumating ang mga bombero at binugahan ng tubig ang makina para maapula ang apoy.

Ayon kay fire volunteer Joel Cardinez, posibleng nagmula ang sunog sa electrical wirnig ng kotse dahil ito ang pinakasunog na bahagi ng makina.

Nang matiyak na wala nang apoy, hinatak ng tow truck ang taxi.

Bahagyang bumagal ang daloy ng trapiko sa Katipunan Avenue dahil sa insidente.

-- Ulat ni Wheng Hidalgo, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.