Pinili ng Grade 9 student na si Miguel Laserna na mag-aral ngayong taon sa pamamagitan ng modules dahil nakita niyang problemado ang kaniyang ate na si Nicole, na naka-online class sa pribadong paaralan.
"Mahirap kasi 'yong connection, minsan sa students, teacher kaya minsan 'di natutuloy 'yong discussion," ani Nicole.
Sa Ismael Mathay Senior High School naka-enroll si Miguel at wala pa raw silang nasisimulang lesson dahil wala pa siyang nakukuhang module.
Ito ay kahit pormal nang inumpisahan noong Lunes ang school year sa mga pampublikong paaralan.
"Parang sa online lang sila nakatutok. 'Yong modular wala pang schedule kung kailan ibibigay," ani Miguel.
"Ang haba ng preparation pero bakit ngayong parang hindi napaghandaan?" ani Ave, ina nina Miguel at Nicole.
Ayon kay Christopher Tabungar, president ng faculty sa Ismael Mathay Senior High School, nagkulang sila ng papel kaya wala pang nailalabas na modules para sa Grade 9.
Tiniyak naman ni Tabungar na maibibigay ang modules bago ang pormal na simula ng mga pagtuturo sa Oktubre 19.
"Hinihintay namin ang release ng modules at saka tablets," ani Tabungar.
Ayon sa Department of Education, bagaman malaking problema ang connectivity, maituturing pa ring matagumpay ang pagbubukas ng klase noong Oktubre 5.
Patuloy na nakikipag-ugnayan sa DepEd sa Department of Information and Communications Technology para maayos ang connectivity ngayong school year.
Sa ulat inilabas ng DepEd noong Lunes, lumabas na sa higit 900 milyon na self-learning modules na na-print, 300 milyon o nasa 35 porsiyento pa lamang ang naipamamahagi sa mga mag-aaral.
-- Ulat ni Wheng Hidalgo, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, education, school opening, coronavirus school opening, School Year 2020-2021, Department of Education, modular learning, self-learning module, online learning, distance learning, blended learning, TV Patrol