PatrolPH

DILG: Mga empleyado ng barangay, dapat bigyan ng hazard pay

Michael Delizo, ABS-CBN News

Posted at Oct 11 2020 08:48 PM

DILG: Mga empleyado ng barangay, dapat bigyan ng hazard pay 1
A barangay health worker checks with residents selected to undergo the Real-Time Reverse Transcription–Polymerase Chain Reaction (RT-PCR) test for the severe acute respiratory syndrome- coronavirus-2 (SARs-CoV-2) at the Baclaran Elementary School in Paranaque City on May 21, 2020. Jonathan Cellona, ABS-CBN News

MAYNILA – Nanawagan ang Department of Interior and Local Government (DILG) ng hazard pay para sa mga empleyado ng barangay ngayong may pandemya. 

Sa listahan ng kompensasyon at benepisyo ng mga opisyal ng barangay na matatagpuan sa website ng Department of Budget and Management, hindi sila entitled sa hazard pay. 

Ayon kay DILG Undersecretary Martin Diño, nalalagay din sa alanganin ang kalusugan ng mga barangay worker, katulad ng mga pulis at iba pang empleyado ng gobyerno na nagsisilbing frontliner. 

“Sino ba ang nag-lock ng barangay mo, ng kada street? ’di ba mga tanod? Sino ’yung nagpapamigay ng mga pagkain? ’Di ba mga tanod at mga health worker? Sino nagpamigay ng quarantine pass? Oh, sinong exposed na exposed nagyon? Ang tanong, naka-PPE ba itong mga barangay? Wala!” giit ni Diño sa isang online media forum. 

Aminado ang opisyal na malaki ang pagkukulang ng national government sa mga empleyado ng barangay, bagamat naisama naman sila aniya sa mga benepisyaryo ng Social Amelioration Program para tumanggap ng pinansyal na ayuda. 

Ayon kay Diño, mahigit 1,000 empleyado ng barangay ang tinamaan ng COVID-19 sa buong bansa, at nasa 500 sa kanila ang namatay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.