COVID-19 cases sa Pilipinas umakyat sa 339,341: DOH

ABS-CBN News

Posted at Oct 11 2020 07:40 PM

Umabot na sa halos 340,000 ang kabuuang bilang ng mga kumpirmadong kaso ng coronavirus disease (COVID-19) sa Pilipinas, base sa datos na inilabas ngayong Linggo ng Department of Health (DOH).

Dahil sa 2,502 bagong kaso na naitala ngayong Linggo, nasa 339,341 na ang kabuuang bilang ng COVID-19 cases na naitatala sa Pilipinas.

Sa ilalim naman ng lingguhang "Oplan Recovery," 17,057 pasyente ang gumaling sa sakit kaya umakyat sa 293,075 ang total recoveries.

Nasa 6,321 naman ang death toll matapos makapagtala ang DOH ng 83 bagong pagkamatay.

Sa kabuuan, 39,945 ang active cases o iyong mga hindi pa gumagaling sa sakit.

Pinakamarami sa mga bagong kaso ay naiulat sa National Capital Region.

Nananatili ang Pilipinas na may pinakamaraming total ng COVID-19 cases sa buong Southeast Asia sa kabila ng pagpapatupad ng pinakamatagal at mahigpit sa lockdown sa rehiyon.

Noong katapusan ng Enero naitala ang kauna-unahang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa bansa, sa isang babaeng Chinese mula Wuhan, ang lungsod sa China na pinagmulan ng sakit.

Sa buong mundo, umabot na sa higit 37 milyon ang nahawahan ng COVID-19.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.