PatrolPH

26 customer ng restobar sa QC, lumabag umano sa curfew

Jekki Pascual, ABS-CBN News

Posted at Oct 11 2020 09:07 AM | Updated as of Oct 11 2020 09:17 AM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Nasa 26 na customer ng isang restobar sa Quezon City ang tinikitan dahil umano sa paglabag sa curfew nitong Sabado ng gabi.

Naabutan ng mga awtoridad ang mga customer na kumakain at nag-iinuman pa nang salakayin ito matapos makakuha ng tip at magsagawa ng surveillance.

Iginiit ng pamunuan ng restobar na patapos na kumain ang mga customer at nag-aantay na lang ang cashier ng bayad nito. 

Masyado nang lagpas sa curfew ang oras at dapat nagbayad nang mas maaga ang mga customer, ayon kay Quezon City Task Force Disiplina Rannie Ludovica.

Itinakdang public safety hours ng pamahalaang lungsod ang 10 p.m. hanggang 5 a.m. dahil sa ipinapatupad na general community quarantine.

Pinagbayad ng P300 na multa ang bawat customer, pero sinagot na ito ng restobar. 

Wala namang nakitang paglabag sa physical distancing at sa bilang ng bote ng alak na dapat bilhin. 

Bukod sa paglabag sa curfew, napag-alaman din na hindi lahat ng empleyado ay may health certificate kaya posibleng ipasara ang restobar. 

Nanawagan naman ang Task Force sa mga may-ari ng bar na sumunod sa safety at health protocols para makaiwas sa COVID-19.

Nakapagtala na ang lungsod ng 20,538 confirmed COVID-19 cases, base sa pinakahuling ulat nito, kung saan, 2,835 dito ay active infections.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.