Undocumented na kasambahay sa Abu Dhabi, patay nang mahulog umano sa gusali

Rachel Salinel

Posted at Oct 11 2019 05:28 PM

ABU DHABI—Humihingi ng hustisya ang mga kaanak ng nasawing undocumented na kasambahay na si Mary Jean Balag-ey Alberto na nahulog mula sa ika-13 palapag ng isang gusali dito.

Nananatiling nasa morge ng Sheikh Khalifa Hospital ang labi ni Balag-ey mula nang nasawi ito noong Oktubre 2.

Ayon sa Assistance to National ng Embahada ng Pilipinas sa United Arab Emirates, under investigation na ang insidente na naganap sa Shams Meera Tower Al Reem sa Abu Dhabi.

Sa ngayon hustisya at agarang repatration ang hiling ng mga kaanak ni Balag-ey sa paniniwalang itinulak ito ng dayuhang amo at hindi tumalon upang magpakamatay.

“Nanawagan kami ng impartial investigation para lumitaw ang katotohanan at hindi cover-up na palalabasing suicide," pahayag ni Windel Balag-ey Bolinget, pinsan ni Mary Jean.

"Panagutin ang among pumatay o sinumang nagkasala, bitayin o ikulong, sagutin ang lahat ng repatriation at burial expenses. Ipagtanggol ng gobyernong Duterte ang mga OFWs at tulungan ang pamilya na maayos na maiuwi sa pinakamaagang panahon ang bangkay ni Mary Jean at bigyan ng maayos na libing."

Bago namatay ang biktima ay nakatanggap ang kapatid nitong si Marie ng isang mensahe mula sa Facebook messenger ni Mary Jean na may banta sa kaniyang buhay at hindi umano maganda ang trato sa kaniya ng kaniyang amo.

Sa mensahe, sinabi ni Mary Jean na siya ay muntik nang sakalin ng babae niyang employer dahil sa pagbibintang sa kaniya tungkol sa isang Hamood. 

Sa parehong mensahe, humingi rin ng tulong ang biktima dahil di umano siya pinapakain hanggang hindi natatapos ang trabaho. 

Sa huli nagsabi itong mas nanaisin niyang makulong kesa makaranas ng hirap mula sa kaniyang employer.

Ang 44-anyos na biktima at 3 buwan pa lamang nagtatrabaho sa UAE gamit ang isang tourist visa.

Siya ay tubong Guinaang, Bontoc, Mountain Province at may naiwang 3 anak.