Umiiyak, inuuod na sanggol natagpuan sa damuhan sa CamSur

ABS-CBN News

Posted at Oct 11 2019 04:50 PM

CALABANGA, CAMARINES SUR - Isang umiiyak na sanggol ang natagpuan sa damuhan sa Barangay Bonot Huwebes nang hapon.

Narinig ng ilang nangunguha ng ibon ang iyak ng sanggol sa damuhan, na tago at malayo sa kasentruhan ng bayan. 

Nakadapa, inuuod at may mga galos sa mukha at katawan ang bata nang matagpuan ito, ayon sa mga nakakita. Katabi pa ng bata ang kaniyang inunan.

Agad na itinakbo ang sanggol sa barangay office at hinatid sa Municipal Health Office, kung saan may mga nanay na nagpasuso sa sanggol. Kalauna'y isinugod sa Bicol Medical Center ang bata para masigurong ligtas ang kondisyon nito. 

Patuloy na iniimbestigahan ng mga opisyal ng barangay ang insidente. 

Hihintayin naman ng Social Welfare Office na i-turn over muna sa kanila ang bata. 

"Kailangan muna ng counselling kung makita talaga yung nanay, pero pwede siyang kasuhan. Kung talaga hindi makita yung nanay, dadaan sa proseso ng adoption ang baby," ayon kay Ehrlich Romero, officer-in-charge ng Municipal Social Welfare Office.

-- Ulat ni Rizza Mostar, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.