Kubol sa Bilibid pinasabugan ng IED sa gitna ng clearing ops

ABS-CBN News

Posted at Oct 11 2019 07:39 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Isang pagsabog ang bumulabog sa isang kubol sa maximum security compound ng New Bilibid Prison nitong Biyernes habang nagsasagawa ng clearing operations ang mga awtoridad.

Bandang alas-10 ng umaga nang magulantang ang mga tao dahil sa pagsabog sa "quadrant 4" ng bilangguan.
    
Agad nagpadala ang National Capital Region Police Office (NCRPO) ng kanilang explosives and ordnance at K9 teams para suriin ang explosion site.

Doon na nakita ang mga piraso ng improvised explosive device (IED). May nakuha ring 2 granada at 2 blasting caps malapit sa pinangyarihan ng pagsabog.

Nasa "quadrant 1" ang clearing team noong mga oras ng pagsabog kaya suwerteng walang nasugatan.

Ayon sa Bureau of Corrections (BuCor), dating umokupa sa pinagsabugan ng IED ang mga miyembro ng Abu Sayyaf Group, Maute-Isis, Rajah Solaiman Group, Jemaah Islamiyah, at Moro Islamic Liberation Front.

Inaalam pa ni NCRPO chief Maj. Gen. Guillermo Eleazar kung aksidente o sinadya ang pagsabog.

"Iyung pag-trigger nun ang ating iniimbestigahan... Puwedeng ito ay ipinain sa personnel natin, na nagsasagawa ng demolition ng illegal structures... Hindi tayo patitinag sa pagsabog na iyon," giit ni Eleazar.

Miyerkoles pa inumpisahan ang paggiba sa mga ilegal na istruktura sa Bilibid, kaya wala na rin inmates sa mga kubol.
    
Inatasan na rin ng Department of Justice ang BuCor na magbigay ng written report sa insidente para sa mas malalim na imbestigasyon.

—Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.