Komentarista, sugatan sa pananambang sa Tagum City

Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Posted at Oct 11 2019 12:34 PM | Updated as of Oct 11 2019 10:36 PM

Sugatan ang isang radio broadcaster na isa ring government employee sa pananambang sa Tagum City, Davao del Norte, Biyernes.

Ayon sa 54-anyos na biktimang si Pat Lucero-Pacquiao, commentator ng 99.9 RP-FM at information officer ng Davao del Norte Provincial Information Communication and Knowledge Management Office, huminto siya sa isa niyang property sa Visayan Village, Tagum City nang biglang lapitan ng gunman at pinagbabaril sa loob ng minamaneho niyang sasakyan.

Agad na nakayuko ang biktima at pinaandar pa ang kaniyang sasakyan kaya nadaplisan lamang siya ng bala sa likod. 

Ayon kay Pacquiao, kagagaling niya lang sa kaniyang radio program nang mangyari ang insidente. 

Naniniwala siyang may kaugnayan sa kaniyang trabaho bilang komentarista ang ambush.

Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.