4 suspek sa panghoholdap sa 2 convenience store sa QC arestado

ABS-CBN News

Posted at Oct 11 2019 06:43 PM | Updated as of Oct 11 2019 07:26 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Arestado ng Quezon City Police District (QCPD) nitong Biyernes ang 4 umanong kilabot na holdaper na nanloob sa 2 convenience store sa lungsod. 

Sa video ng operasyon, naaktuhan pa ang mga suspek na may mga hawak na baril nang lusubin sila ng pulisya sa kanilang hideout sa Barangay Payatas, Quezon City. 

Kagagaling lang umano ng 4 sa panghoholdap sa isang ginang sa Fairview. 

Ang grupo ang itinuturong mga suspek sa panloloob sa conveniece store sa Quezon City noong Setyembre 24, na nakuhanan pa ng CCTV. 

Isang linggo matapos ang panloloob, nangholdap muli ang grupo sa isa pang convenience store sa Fairview.

Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Maj. Gen. Guillermo Eleazar, dawit din daw sa droga ang grupo.

"Itong mga taong ito ay sangkot din sa illegal drugs ng ating makausap kanina. So ganito kalakas ang droga at napagsasabay nila pati sa holdap," ani Eleazar.

Tinutugis pa ng pulisya ang isa nilang kasamahan na hindi nahuli.

Kasalukuyan nang nakapiit ang 4 dahil sa kasong robbery.

—Ulat ni Doland Castro, ABS-CBN News


 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.