Pulis na dawit sa drug matrix ni Duterte pumalag

ABS-CBN News

Posted at Oct 11 2018 08:24 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Umalma ang isa sa mga pulis na idinadawit ni Pangulong Rodrigo Duterte sa inilabas nitong drug matrix at sinabing dapat idinaan muna sa validation o pagpapatunay ang ulat bago isinapubliko.

Inilabas ni Duterte noong Miyerkoles ang matrix kung saan pinangalanan ang pitong may kinalaman umano sa pagpuslit ng bilyong halaga ng ilegal na droga sa Bureau of Customs noong Agosto.

Isa rito si Superintendent Leonardo Suan, na nagpaunlak ng panayam sa kaniyang bahay para maipakita ang pamumuhay ng kaniyang pamilya bilang pagpapatunay na wala silang tinatago o luho.

Iginiit ni Suan na walang katotohanan ang intel report.

"Sa tagal ko sa serbisyo diyan sa narcotics, wala akong kaso na hinarap," ani Suan.

"I have these medals, I have these awards, these accomplishments. Gusto ko makilala ako ng taumbayan sa ganoon. Tapos because of [a] piece of paper lang, masisira iyong aking career?"

Ayon din kay Suan, mali raw ang sinasabi sa ulat na "dismissed" siya dahil aktibo pa rin daw siya.

"Sana vinalidate man lang," aniya.

Kasama ni Suan sa drug matrix sina dating Customs intelligence officer at retired police officer Eduardo Acierto, at dating Philippine Drug Enforcement Agency director for administration Ismael Fajardo.

Pinangalanan din sa ulat sina Superintendent Lorenzo Bacia, Inspector Lito Pirote, Inspector Conrado Caragdag at Senior Police Officer 4 Alejandro Liwanag.

Kinumpirma ni Suan na dati niyang mga kasamahan sa Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Force ang mga nasa matrix pero wala raw siyang alam sa mga naging lakad nina Fajardo at Acierto dahil magkakaiba sila noon ng team.

"Hindi kami nagkaroon ng mga operation na [mag]kasama kami noong panahon... kaya masama ang loob ko po," sabi ni Suan.

Sinabi rin ni Suan na imposibleng nakipagsabwatan siya kina Fajardo at Acierto sa pagpuslit ng tone-toneladang droga gamit ang magnetic lifters.

Nanindigan si Suan na handa siyang sumailalim sa lifestyle check.

Tumanggi munang magbigay ng pahayag sa media ang kampo nina Fajardo at Acierto.

--Ulat ni Angel Movido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.