Panghoholdap sa internet café, nakunan sa CCTV

Donna Lavares, ABS-CBN News

Posted at Oct 11 2018 10:41 AM

CEBU CITY – Nakunan ng CCTV ang ginawang panghoholdap ng isang lalaki sa isang internet cafe sa Barangay Mambaling sa lungsod na ito.

Kalmadong pumasok sa shop ang isang lalaki na naka-itim na sumbrero at blue na stripe polo shirt, batay sa video.

Agad siyang pumunta sa cashier at nagpanggap na isang customer. Maya-maya pa ay bumunot na siya ng baril at nagdeklara ng holdap.

Hinubad pa ng lalaki ang kaniyang sombrero kung saan inilagay ang perang kita ng shop.

Isinuot muli niya ang sombrero bago dali-daling lumabas ng shop.

Napag-alamang aabot sa P1,700 ang natangay ng suspek na kita ng shop. Mabuti na lamang at naitago ng empleyado ang P6,000 pang kita ng unang shift.

Bago maganap ang panghoholdap, may 2 umano din lalaki ang pumasok sa shop at panay ang pagte-text.

Inaalam pa ng pulisya kung kasabwat ang mga ito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.