'Nagpapatakbo' ng mga kolorum pampasaherong van sa Caloocan, timbog

ABS-CBN News

Posted at Oct 11 2018 05:20 PM

Arestado sa isang entrapment operation sa Caloocan nitong Huwebes ang dalawang drayber at isa umanong lider ng sindikatong nagpapatakbo ng terminal ng mga kolorum van pampasada.

Timbog ang itinuturong lider na si Albert Bacalzo at ang dalawang drayber na sina Geoffrey Sabinada at Teddy Alhambra.

Para kasi umano makasama sa terminal, humihingi ang mga suspek ng P80,000 membership fee at arawang "butaw" na P700 sa mga gustong pumasada sa ilalim nila. 

Sa ikinasang entrapment, nahuli si Bacalzo matapos kunin ang marked money mula sa mga undercover member ng Highway Patrol Group, habang pinababa naman sa kanilang mga sasakyan sina Sabinada at Alhambra. 

"Para makasama ka at makapagbiyahe, kailangan magbayad ng P80,000 kada isang sasakyan. Tapos may arawan pang ‘butaw’ na P700," ani Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) chairman Martin Delgra. 

Biyaheng Caloocan, Fairview, at Makati ang ruta ng mga van. 

Isinara ang terminal at kinumpiska ang mga sasakyan na nakagarahe.

Ayon sa LTFRB, kinakailangang magbayad ng P200,000 kada sasakyan para mabawi ang mga ito ng may-ari. 

Nahaharap ang tatlong suspek sa kasong estafa. 

—Ulat ni Ernie Manio, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.