Lalaki, patay sa Antipolo buy-bust

Lyza Aquino, ABS-CBN News

Posted at Oct 11 2018 05:28 AM

RIZAL - Patay ang isang lalaki sa buy-bust operation sa Barangay Inarawan, Antipolo City Huwebes ng madaling-araw.

Kinilala ang suspek na si Gerardo Sandoval, alyas Tisoy, na umano'y sangkot sa iba't ibang krimen.

Ayon sa pulisya, si Sandoval umano ang pumalit na lider sa isang drug group matapos mapatay ang pinuno nito noong Hunyo.

Batay sa paunang ulat ng Calabarzon police, nagkasa ng buy-bust ang mga tauhan ng Regional Drug Enforcement Unit alas-2 ng madaling-araw.

Nakabili ang poseur buyer ng P5,000 halaga ng hinihinalang shabu kay Sandoval.

Nagpaputok umano si Sandoval matapos makatunog na pulis ang kaniyang katransaksiyon.

Gumanti ng putok ang pulis na nagresulta sa pagkamatay ng suspek.

Narekober sa crime scene ang isang kalibre .38 na baril at 5 sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng nasa P30,000.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.