HALALAN 2019: Mga naghain ng kandidatura nitong Huwebes, Oktubre 11

ABS-CBN News

Posted at Oct 11 2018 01:43 PM | Updated as of Oct 11 2018 08:50 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Umarangkada na nitong Huwebes ang paghain ng kandidatura ng mga nais tumakbo para sa halalan sa susunod na taon.

Bukod sa mga nagnanais tumakbo bilang mga opisyal ng mga lokalidad at lalawigan, tinututukan din ang mga tatakbo para sa Kamara at sa 12 bukas na puwesto sa Senado.

Narito ang ilan sa mga personalidad na naghain nitong Huwebes ng kanilang certificates of candidacy (COC): 

SENADO: 

  • Aquilino "Koko" Pimentel III (PDP-Laban)
    —Unang naghain ang dating senate president sa ilalim ng pinamumunuan niyang partidong PDP-Laban. Ayon kay Pimentel, maaga siyang naghain dahil kailangan niyang maghanda para sa nalalapit niyang kasal kay Kathryna Yu. 

Nagsilbing pinuno ng Senado si Pimentel mula 2016 hanggang sa pinalitan siya ni Vicente "Tito" Sotto III nitong 2018. 

  • Freddie Aguilar 
    —Isa rin ang sikat na folk singer sa mga unang naghain ng kaniyang COC para sa pagkasenador nitong umaga ng Huwebes. Isang masugid na tagasuporta ni Pangulong Rodrigo Duterte, layon ni Aguilar na maprotektahan ang mga nasa entertainment industry at mga nasa laylayan. 

Bagaman sabi ni Aguilar na tatakbo siya sa ilalim ng PDP-Laban, hindi siya kasama sa line-up ng senatorial candidates ng partido na binanggit ni Pimentel.

  • Neri Colmenares (Makabayan) 
    —Nagsilbing Bayan Muna party-list representative ang kandidatong si Colmenares, na nais bumawi sa kaniyang pagkatalo sa 2016 elections. Kasama si Colmenares sa mga ikinulong sa ilalim ng batas militar noong panahon ni dating pangulo at diktador Ferdinand Marcos. 
Watch more in iWant or TFC.tv
  • Samira Gutoc (Liberal Party)
    —Dating Bangsamoro Transition Council Member si Gutoc, na kumakampanya para sa mga karapatan ng mga babae at Muslim. Isang Duterte appointee noong 2016, masugid niyang pinuntirya ang Martial Law sa Mindanao kaugnay ng mga umano'y pang-aabuso ng mga sundalo doon nang mag-resign sa BTC noong 2017. 

Si Gutoc ang kauna-unahang senatorial candidate na naghain ng pagkakandidatura mula sa opposition coalition sa ilalim ng Liberal Party. 

KAMARA: 

  • Vilma Santos (Batangas Rep., 6th District/Lipa)
    —Kakandidato para sa kaniyang ikalawang termino si Lipa City Rep. Vilma Santos-Recto. Nagsilbing alkalde ng Lipa at gobernador ng Batangas ang dating movie star bago maging kongresista. Asawa niya si Senate President Pro Tempore Ralph Recto. 
Watch more in iWant or TFC.tv

• Lucy Torres-Gomez (Leyte Rep., 2nd District)
— Susubukan muling tumakbo ng dating aktres na si Torres-Gomez para sa kaniyang ikatlong termino sa House of Representatives. Mula sa dating mayorya na Liberal Party, lumipat si Torres-Gomez kasama ang kaniyang asawa na si Richard sa PDP-Laban noong 2017. 

• Robert Ace Barbers (Surigao del Norte Rep., 2nd District)
—Susubukang tumakbo ni Robert Ace Barbers para sa kaniyang ikatlo at huling termino bilang kinatawan ng ikalawang distrito ng Surigao del Norte. 

Bukod sa pagiging kongresista, nagsilbi ring gobernador ng Surigao Del Norte si Barbers.

Sa 17th Congress, si Barbers ang nagsilbing chairperson ng Committee on Dangerous Drugs.

LOKAL: 

  • Virgilio Bote (Gobernador, Nueva Ecija)
    — Naghain ng kandidatura sa pagkagobernador ng Nueva Ecija si Virgilio Bote, dating mayor ng General Tinio. Pinsan siya ni Ferdinand Bote na napatay noong Hulyo sa pananambang. Ayon kay Bote, itutuloy daw niya ang laban para makamit ang katarungan sa pagkamatay ng pinsan.

Ka-tandem ni Bote bilang bise gobernador si Edward Joson.

  • Joy Belmonte (Quezon City Mayor)
    —Matapos ang dalawang termino bilang bise-alkalde sa ilalim ni incumbent mayor Herbert Bautista, tatakbo na si Belmonte bilang alkalde ng lungsod. Si Belmonte ang anak ni dating QC mayor Sonny Belmonte. Tumakbo bilang kaniyang bise-alkalde ang konsehal na si Gian Sotto, na anak naman ni Senate President Vicente "Tito" Sotto III. 
     
  • Roderick Paulate (Quezon City Vice Mayor)
    — Hinalal ang dating aktor bilang konsehal ng Quezon City noong 2010 pero sinibak noong 2016 ng Office of the Ombudsman kasunod ng umano'y pagpalsipika ng mga dokumento ng higit 60 "ghost employees." Sa pagkakataong ito, tatakbo siya sa ilalim ni mayoral hopeful Ismael "Chuck" Mathay III.
     
  • Richard Gomez (Ormoc, Leyte Mayor) 
    — Sisikapin ni Gomez manalo para sa kaniyang ikalawang termino bilang alkalde ng Ormoc. Unang tumakbo si Gomez noong 2010 pero na-disqualify siya nang hindi umano sumunod sa residency requirement.
     
  • Angeline Halili (Tanauan, Batangas Mayor) 
    — Si Halili ang anak ng pinaslang na dating Tanauan mayor Antonio Halili, na nakilala sa "walk of shame" nito para sa mga sangkot sa ilegal na droga. Ayon kay Halili, ipaglalaban niya ang ama, na pinagbabaril sa flag-raising ceremony nitong Hulyo. 
     
  • Ely Ramos (Santo Tomas, Pangasinan Mayor)
    — Naghain ng kandidatura sa pagkaalkalde ng Santo Tomas, Pangasinan ang konsehal na si Ramos, na noong nakaraang buwan ay nakaligtas nang pagbabarilin ng riding-in-tandem.

--May ulat nina Ron Gagalac, Willard Cheng, at Mario Dumaual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.