Dating konsehal patay sa pamamaril sa Pampanga

Gracie Rutao, ABS-CBN News

Posted at Oct 11 2018 05:20 PM | Updated as of Oct 11 2018 05:49 PM

Nahuli rin ng awtoridad ang dalawang bumira sa biktimang si Mario de Ausen na dating konsehal ng bayan ng Sta. Rita sa Pampanga.

STA. RITA, Pampanga – Patay ang isang dating konsehal ng bayan matapos pagbabarilin ng hindi pa kilalang salarin sa Barangay San Matias dito, Miyerkoles ng gabi.

Naghihintay si Mario de Ausen na mabuksan ang gate ng kaniyang bahay para maiparada ang kaniyang sasakyan nang tambangan.

Ayon sa nakasaksi sa pamamaril, bumusina umano ang biktima at nang pagbuksan na siya ng gate ay napansin niya ang dalawang lalaki na sakay ng motorsiklo.

Isa sa mga ito ang bumaba ng motorsiklo at pinaputukan ang biktima.

Sinubukan pang patakbuhin ng biktima ang kaniyang sasakyan pero doon na siya pinaulanan ng bala hanggang sa mahulog ang isang gulong ng SUV sa kanal.

Naitakbo pa sa ospital ang biktima pero idineklara nang dead on arrival.

Kaagad namang nagsagawa ng follow-up operation ang awtoridad at nahuli ang mga suspek.

"Nakuha natin 'yung isa sa suspek, 'yung mismong driver nung motor, 'yung getaway, at fortunately naman, through interrogation it lead us to San Luis kung saan namin nakuha 'yung hitman,” ayon kay Senior Supt. Nicolas Salvador.

Kinumpirma ng pulisya na hindi lang dalawa kundi apat na ang hawak nilang persons of interest.

"So 'yung nag-facilitate ng hiring pati 'yung mga sasakyang ginamit is nakuha natin," dagdag ni Salvador.

Dating konsehal ng bayan ng Sta. Rita si de Ausen. Pero ayon sa awtoridad, posibleng personal o may kinalaman sa negosyo ang motibo sa pagpatay.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.