Binay laban sa Binay malabo na? Jun-jun maaaring hindi na payagang tumakbo

ABS-CBN News

Posted at Oct 11 2018 09:08 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Malaki ang posibilidad na tumakbo muli bilang alkalde ng Makati City si Junjun Binay at makatunggali ang sariling kapatid at kasalukuyang alkalde ng lungsod na si Abby. 
    
Ang problema, nang bumaba ang resolusyon ng Ombudsman laban kay Junjun ukol sa anomalya sa pagtatayo ng Makati Science High School building noong siya'y mayor pa ay napatawan ito ng "perpetual disqualification" o habambuhay na pagbabawal na makabalik sa anumang puwesto sa gobyerno.

Base sa rin sa dokumentong nakalap ng ABS-CBN News, kasama ang pangalan ng ex-mayor sa listahan ng mga pinagbabawalang magtrabaho sa pamahalaan, kahit pa casual, job order, appointive, o elective.

Noong nakaraang linggo lang, sinabi ni Department of the Interior and Local Government (DILG) acting secretary Eduardo Año na mahalagang malaman ng publiko kung sino ang mga taga-gobyerno na may kaso para hindi na makatakbo sa halalan.

Sa kumpirmasyon mismo ng city director ng DILG Makati office ay kasama daw si Junjun sa listahan na ito.

Gayunpaman, kumpiyansa si Junjun na nasa kaniya ang suporta ng mga taga-Makati dahil lubog daw siya sa masa hindi tulad ng kaniyang kapatid. 

"Ako po sa mga pakiusap po ng mga tao, mga senior citizen, mga vendor, mga tatay at nanay, pati po mga kabataan...Nakakadurog po ng puso dahil sila mismo nagsasabi na Junjun dapat bumalik ka," aniya.

Hindi rin daw niya kayang talikuran ang hiling ng mga taga-Makati na bumalik siya sa puwesto.

"There's a clamor on the ground na gusto nilang bumalik ako...ang hirap naman po nating talikuran," ayon sa dating alkalde. 

Suspetsa naman ni Abby, ang mga taong konektado rin sa mga anomalya sa Makati noon ay sila ring nag-uudyok kay Junjun na tumakbo. 

"Iyung mga taong nakapaligid sa kapatid ko, na sila naman talaga 'yung sumisira sa pamilya namin, sila 'yung sinasabing tumakbo siya. Bakit hindi nila sinasabi na 'boss, may problema ka pa sa pagtakbo mo, ayusin muna natin' kung talagang nagmamalasakit sila para sa kapatid ko at para sa taumbayan," ani Abby.

COC FILING SA IBA PANG LUGAR

Watch more in iWantv or TFC.tv

Sa kabilang dako naman ng Metro Manila, dama na rin sa Quezon City (QC) ang init ng eleksyon, kasabay ng unang araw ng paghahain ng kandidatura para sa halalan 2019. 

Buena mano sa paghahain ng certificate of candidacy (COC) ang tandem nina QC vice mayor Joy Belmonte at councilor Gian Carlo Sotto na tatakbong alkalde at bise alkalde ng lungsod. 

Sunod na dumating ang nagbabalik sa politika na si dating QC Rep. Ismael “Chuck” Mathay at running mate niya ang konsehal at aktor na si Roderick Paulate, na kasalukuyang humaharap sa kasong graft at falsification na isinampa ng Ombudsman dahil sa isyu umano ng ghost employees. 

Sa kabila nito, kumpiyansa si Paulate lalo’t makailang beses na siyang pinukol ng mga isyu pero iniluluklok pa rin ng taumbayan. 

Ang mga tanggapan ng Commission on Elections (Comelec) sa Caloocan, Malabon, Navotas, Valenzuela o CAMANAVA naman, tahimik sa unang araw ng filing ng COC.

Halos nilangaw naman ang provincial office ng Comelec sa Cavite. Alas-8 nagbukas ang tanggapan pero inabot na ng tanghali pero wala pa ring naghain ng COC.
    
Inaasahang sa mga susunod na araw pa magsisipaghain ng kandidatura ang mga tatakbo sa halalan 2019. 

—Ulat nina Raphael Bosano at Jorge Cariño, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.