Bata, nalunod sa pool ng isang resort

Dianne Dy, ABS-CBN News

Posted at Oct 11 2018 06:14 PM | Updated as of Oct 11 2018 07:32 PM

BANTAY, Ilocos Sur – Matapos ang dalawang araw sa intensive care unit ng ospital, binawian na rin ng buhay ang apat na taong gulang na babae na nalunod sa isang resort noong Linggo.

"Nasa ilalim na ng pool ang bata, nai-ahon, itinakbo, na-ICU, pero namatay," ayon kay Inspector Jovito Rabang.

Linggo nang pumunta ang bata kasama ang kaniyang mga pinsan sa kaarawan ng kaniyang tiyahin sa isang resort sa nasabing bayan.

"Umiiyak, gustong pumunta kaya pinasama namin," sabi ng kaniyang tiyahin.

Base sa lifeguard, sa dami nang naliligo ay hindi nila napansin na nalunod ang bata. Naisugod pa ang bata sa ospital ngunit binawin rin ito ng buhay.

Wala namang sinisisi ang pamilya ng biktima sa nangyari dahil ito daw ay aksidente lamang.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.