2 suspek sa nakawan ng cellphone sa Maynila timbog

ABS-CBN News

Posted at Oct 11 2018 09:01 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Arestado nitong Huwebes ang dalawang lalaki na dawit umano sa mga insidente ng panghahablot ng cellphone sa Herbosa Street sa Maynila. 

Nagtungo ang mga tauhan ng Alvarez Police Community Precinct (PCP) ng Sta. Cruz, Maynila sa mga eskinita sa Yuseco Street kung saan umano nandoon ang kanilang target.

Pag-akyat sa tambayan ng mga suspek ay naabutan nila sa loob ng kuwarto ang 18 anyos na si alyas "Boy."

Tinangka pa umano itong pagtakpan ng kaniyang nobya pero bandang huli ay sumama na rin ang binata nang sabihin na nakuhanan siya ng CCTV habang nagnanakaw. 

Sapul kasi sa CCTV sina Boy at kasama nito na sakay ng motorsiklo habang minamatyagan ang biktimang babae na nagte-text habang naglalakad.

Umikot muna nang dalawang beses sa kalye ang mga naka-motor sabay hablot sa cellphone ng babae.

Matapos madala sa presinto si Boy ay sumuko naman ang isa pang suspek na si alyas "Kiko" kasama ang ilang barangay official.

Giit ni Kiko, si Boy ang utak ng krimen at sinama lang siya nito. 

Depensa naman ni Boy, kailangan niya ng pera dahil buntis ang girlfriend nito.

HOLDAPAN SAPUL SA CCTV

Nakuhanan naman sa CCTV noong Martes bandang alas-11 ng gabi ang isang 18 anyos na estudyante na naglalakad sa may P. Florentino Street nang lapitan ng isang lalaki galing sa tricycle.

Kunwari ay nagtanong ng direksiyon ang kawatan sabay sinakal at inundayan ng saksak ang binatang estudyante.

Hindi muna humarap ang bata sa camera pero sinabi nitong nagtamo siya ng dalawang saksak sa may braso.

"Kakabili lang sa bakery nung estudyante... Tapos tinanong daw kung saan 'yung Maceda (Street)," kuwento ng kagawad na si Jeff Buerano ng Barangay 478, Sampaloc, Maynila.

Nakikipag-ugnayan naman ang barangay sa Sampaloc police para madakip ang salarin at isang kakuntiyaba nitong tricycle driver.

—Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.