Sara Duterte, naglabas ng saloobin sa planong lifestyle check sa mister

ABS-CBN News

Posted at Oct 11 2017 02:55 PM

Base sa tsismis at hindi makatarungan. 

Ganito inilarawan ni Davao City Mayor Sara Duterte ang rekomendasyong nakapaloob sa isang draft report sa Senado na imbestigahan ang kanyang asawa at kapatid. 

Inakusahan ang kaniyang asawang si Manases Carpio at kapatid na si Davao City Vice Mayor Paolo Duterte ng pagiging parte ng "Davao Group" na sangkot umano sa smuggling sa rehiyon. Dahil dito ay inirekomendang isailalim ang mga ito sa lifestyle check ng isang draft report ng Senate blue ribbon committee. 

Ayon kay Duterte, hindi pa tamang panahon para pag-usapan ang naturang report dahil ito ay hindi pa pinal.

Gayumpaman, sinabi ng alkalde na "unreasonable" o hindi makatarungan ang rekomendasyong imbestigahan ang kanilang pamumuhay dahil binase umano ito sa "chismis" at "kasinungalingan."

"If indeed the recommendation of a lifestyle check on Atty. Mans (Carpio) find its way into the final committee report...[m]y opinion is, it is an unreasonable recommendation mainly because it is based on 'chismis' of Mr. (Mark) Taguba and from the 'lies' of (Sen. Antonio) Trillanes," ani Duterte. 

Si Taguba ay isang Customs broker na nagbunyag ng umano'y koneksiyon nina Mans at Paolo sa smuggling habang si Trillanes naman ay kilalang kritiko ng pamilya Duterte.

Sakaling matuloy ang rekomendasyon, bukas si Duterte na sumailalim sa imbestigasyon ng Office of the Ombudsman upang masagot ang ang iba't ibang akusasyon laban sa kaniyang pamilya. 

Pinatamaan din ng presidential daughter si Trillanes at sinabing isa itong "bayarang" troll.

"Trillanes is a paid troll. He is fishing for information with his lies and accusations. If indeed he is correct, bakit siya kukuha ng ebidensiya sa amin? Kasi alam niya hindi totoo ang sinasabi niya," ani Duterte.

'Kulang na report'

Ayon naman kay Senador Panfilo Lacson, hindi pa niya pinipirmahan ang nasabing draft report dahil marami siyang nais ipabago.

"I have not signed it. Instead, I’m submitting my comments / observations to the chairman," pahayag ni Lacson.

Ayon sa senador, marami siyang hindi sinasang-ayunan sa report, partikular na ang "kulang" umanong mga rekomendasyon. 

"Kulang...Findings and recommendations are not consistent with what was discussed, not only during the hearings, but in the committee report itself...Chairman Gordon said he will make an addendum once he receives my comments," sabi ni Lacson. 

Si Senador Richard Gordon ang chairman ng blue ribbon committee na naglunsad ng imbestigasyon matapos pumutok ang isyu tungkol sa paglusot ng mahigit P6 bilyong halaga ng shabu mula China papasok ng bansa. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.