Mayor, sugatan sa pananaksak sa Isabela

ABS-CBN News

Posted at Oct 11 2017 11:19 AM

Sugatan sa pananaksak ang isang alkalde matapos nitong magsagawa ng transaksiyon sa isang bangko sa Santiago City, Isabela noong umaga ng Martes, Oktubre 10.

Batay sa imbestigasyon, katatapos lang magpa-encash ng cheke ni Avelino Amangyen, alkalde ng bayan ng Paracelis sa Mountain Province, nang mangyari ang insidente.

Nasa parking lot si Amangyen nang biglang may sumulpot na riding-in-tandem at pinagsasaksak ang alkalde.

Nagtamo ng saksak sa dibdib at tagiliran si Amangyen.

Nagawa pa umano ng alklade na maidala ang sarili sa ospital matapos ang insidente.

Ayon sa pulisya, robbery o pagnanakaw ang paunang motibo subalit bigo ang mga kawatan na makuha ang perang dala ng alkalde.

Patuloy na nagpapagaling si Amangyen sa ospital.

-- Ulat ni Danielle Rebollos, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.