May-ari ng 'ilegal' na tow trucks, lumaban sa alegasyon, sabay giit na bayaw si mayor

ABS-CBN News

Posted at Oct 11 2017 11:08 PM

Hinatak ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) ang mga tow truck na ilegal umanong nag-ooperate sa Maynila.

Ayon sa isang tauhan ng MTPB, bukod sa walang permit ang operasyon ng PMA Towing Services, ilegal din ang basta-bastang pagparada nito ng mga tino-tow na sasakyan sa kalsada.

Natunton kasi ng MTPB sa Osmeña Highway ang mga truck at taxi na hinatak ng PMA Towing Services.

Reklamo pa ng isang motorista, sinisingil siya ng P11,500 para lang mabawi ang hinatak na sasakyan.

Kaya naman hinatak ng MTPB ang dalawang tow trucks ng PMA Towing Services nang maaktuhang ilegal umanong nag-ooperate sa Quirino Avenue.

Napasugod naman sa impounding area ng MTPB ang may-ari ng inirereklamong towing services at nagpakilala siyang hipag ni Manila Mayor Joseph "Erap" Estrada.

Ayon kay Alise Nogra, may-ari ng PMA Towing Services, ayaw niya sanang banggitin ang pangalan ng alkalde, pero dumarami na raw ang truck nilang hinahatak ng MTPB.

Giit pa niya, legal ang kanilang operasyon dahil may memorandum of agreement (MOA) ang kaniyang kompanya sa MTPB.

Pero paliwanag ng hepe ng MTPB na si Dennis Alcoreza, walang MOA sa kanila ang PMA Towing Services at ilang beses na nila itong hinuli.

Dagdag pa ni Alcoreza, sinabi ni Estrada na hulihin ang gumagawa ng mali, kahit pa sabihing kamag-anak ng alkalde.

Naka-impound na ang mga towing trucks ng PMA Towing Services at wala nang balak ang MTPB na i-release ang mga ito.
    
-- Ulat ni Dennis Datu, ABS CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.