Magkapatid nagtagaan dahil sa away sa inuman

Dianne Dy, ABS-CBN News

Posted at Oct 11 2017 09:19 PM

ILOCOS NORTE - Sugatan ang isang 66-taong gulang na lalaki at ang kapatid nito matapos mag-gantihan umano ng taga bunsod ng away sa inuman kamakailan.

Ayon sa biktimang si Ernesto Garalde, nakita niyang nag-iinuman ang kaniyang mga kapatid na sina Toribio at Marlon at sinita ang mga ito.

Dahil dito, pinagbabato daw ang kaniyang bahay hanggang siya ay tinaga ni Toribio gamit ang isang 18-pulgadang bolo.

"Pinagsabihan ko lang naman sila na huwag masyadong uminom ng alak pero uminit ang mga ulo nila," ani Garalde.

Lumalabas sa imbestigasyon na nag-aaway ang mga magkakapatid sa tuwing nakakainom ng alak ang mga ito.

"Nang mataga ni Toribio ang biktima, nakakuha rin ito ng bolo at nataga niya ang pisngi ng suspek," ani SPO3 Ruel Silvestre.

Itinakbo sa pagamutan ang magkakapatid at agad ring nakalabas ang mga ito.

Magpapagaling muna umano si Garalde saka pag-iisipan kung sasampahan ng kaso ang kapatid.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.