Mag-inang kinasuhan sa pagkamatay ng law student, pinag-iisipan ang witness protection program

ABS-CBN News

Posted at Oct 11 2017 12:26 AM | Updated as of Oct 11 2017 01:12 AM

Iginiit ng mag-ina na hindi sila nagtago sa ibang bansa

Nakabalik na sa bansa ang mag-inang Trangia na iniuugnay sa pagkamatay ng University of Santo Tomas law student na si Horacio "Atio" Castillo III.

Dumating sa NAIA Terminal 1 ang eroplanong sinakyan ng mag-inang Rosemarie at Ralph Trangia, 11:40 ng umaga nitong Martes.

Nagpunta sila sa Amerika noong Setyembre 19, isang araw bago ipalabas ng Department of Justice (DOJ) ang lookout bulletin para sa mga miyembro ng Aegis Jvris Fraternity na iniuugnay sa hazing ni Castillo.

Setyembre 18 nang pumutok ang balita tungkol sa pagkamatay ng hazing victim na si Castillo.

Sinalubong ng National Bureau of Investigation (NBI) at Manila Police District (MPD) Homicide Section ang mag-ina.

Pero dahil walang dalang arrest warrant, minabuti na lamang ng mga awtoridad na kausapin ang mag-ina para imbitahin.

Tikom ang bibig ng mag-ina nang salubungin ng mga miyembro ng media.

Nahaharap si Ralph sa kasong murder, robbery, at paglabag sa anti-hazing law. "Obstruction of justice" naman ang isinampang kaso laban kay Rosemarie.

Ayon kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre II, boluntaryong bumalik ang mag-ina sa bansa para hindi makansela ang pasaporte ni Ralph.

Mula sa Terminal 1, dumeretso ang mag-ina sa opisina ng kanilang abogado sa Quezon City.

Sinabi ng mga abogado ng pamilya Trangia na handa silang sagutin ang mga kasong isinampa sa kanilang kliyente.
 
Hindi rin daw sila nagtago nang magtungo sa ibang bansa.

Pinag-iisipan din daw ng mga Trangia kung tatanggapin ang alok ng DOJ na sumailalim sa witness protection program.

Bukod sa mag-ina, kinasuhan din ang kanilang padre de pamilya na rehistradong may-ari ng pulang pick-up truck na itinuturong nagdala sa katawan ni Castillo sa ospital.

Umaasa naman ang pamilya Castillo na makikipagtulungan ang mag-inang Trangia.

Nais nilang isiwalat ng mag-ina ang mga nalalaman tungkol sa pagkamatay ni Castillo.

Muli ring nanawagan ang pamilya Castillo sa iba pang miyembro ng Aegis Jvris Fraternity na lumantad na. 

Nakatakdang magharap muli sa DOJ ang pamilya Castillo at ang kanilang mga kinasuhan sa Oktubre 24.

Doon na rin isusumite ang counter affidavit ng 18 orihinal na respondents sa kaso ni Castillo, kabilang ang mga suspek na sina John Paul Solano at ang mag-inang Rosemarie at Ralph.

Nauna nang iginiit ni Solano na wala siyang kinalaman sa hazing kay Castillo.

Tinawagan lang umano siya ng mga ka-"brod" para tingnan ang kondisiyon ni Castillo na noo'y nawalan ng malay.

Dati ring sinabi ni Solano na masama ang kaniyang loob sa mga brod na tila nang-iwan sa kaniya sa ere.

-- Ulat nina Kevin Manalo, Jerome Lantin, at Oman Bañez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.