Ilang bangketa sa Maynila at Makati, sapul sa clearing ops ng MMDA

ABS-CBN News

Posted at Oct 11 2017 02:50 PM

Sinuyod ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) nitong Miyerkoles ang ilang kalsada sa Maynila, Makati at Parañaque upang magsagawa ng clearing operation.

Unang ginalugad ng MMDA ang paligid ng Baclaran Church.

Pinatanggal sa ilang may-ari ng tiangge ang mga malalaking payong na lumalagpas sa tinakdang harang ng MMDA sa service road ng Roxas Boulevard malapit sa simbahan.

Pinasok sa loobang kalye ang mga kariton ng gulay at prutas na lumagpas din sa hangganan.

Sa kabuuan, 20 sasakyan at 18 motorsiklo ang na-tow o hinatak ng MMDA sa paligid ng Baclaran.

Matapos sa Baclaran, dumeretso ang MMDA sa Zobel Roxas Street na sakop ng Maynila at Makati.

Sinita at hinatak ang ilang mga sasakyang nakaparada sa kalsada.

Inalis din ang sari-saring nakapuwesto sa sidewalk, gaya ng isang tindahang binuhat papasok sa malapit na junk shop.

Ayon kay Bong Nebrija, pinuno ng operasyon, malaking pagbabago ang nakita nila mula nang unang magsagawa ng operasyon noong Huwebes, Oktubre 5.

Mas kakaunti na umano ang mga sasakyang sinita at mas malinis na ang sidewalk sa harap ng mga nakahilerang junk shop.

Binigyan kasi ng MMDA ng tatlong araw mula noong unang operasyon upang alisin ang mga kalat at nakatiwangwang sa sidewalk

Nanawagan ang MMDA sa mga lokal na pamahalaan na tulungan silang bantayan at panatilihin ang kaayusan sa mga kalsada, lalo na sa mga nalibot nang lugar.

-- Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.