Binatilyo, patay matapos masagasaan ng trak

Fred Cipres, ABS-CBN News

Posted at Oct 11 2017 05:05 AM

Patay ang isang 14-anyos na lalaki matapos masagasaan ng isang 14-wheeler truck sa Tondo, Maynila Martes ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Jason Seseño. Makikita sa tabi ng binatilyo ang mga barya na kinita nito mula sa pagmamando ng trapiko.

Kwento ng mga kasamahan ni Seseño, nagmamano ang biktima alas-9 ng gabi sa Road 10 malapit sa gate ng Pier 16 ng masagasaan ng isang truck na may plakang REY-566.

Ayon sa kanila, una ay paa lamang ni Seseño ang naipit sa gulong ngunit tumumba ito hanggang sa pumailalim na ang biktima sa truck.

Depensa naman ng truck driver na si Crisologo Tacliad ay hindi niya napansin na humarang sa tagiliran ang biktima para umano pasingitin ang isang sasakyan. Nakapila umano si Tacliad papasok sa gate ng Pier 16 para kumuha ng container van.

Hindi agad pinapababa si Tacliad dahil iniwasan ng pulis na kuyugin ito ng mga tao sa lugar.

Mahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide ang truck driver.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.